Paano Umibig ang Isang Halaman

tumblr_nmek9g8EI71qhavevo1_540

Paano Umibig ang Isang Halaman

Paano nga ba umibig ang isang halaman?
Paano ba nangyari na ang isang dating ako na kahit kailan ay hindi tumingin sa iba, na hindi nakaramdam ng kahit ano ay bigla na lamang nahulog sa iyo.
Nahulog at umamin sa sarili na gusto kita, gusto kitang talaga.

Gusto kong tinatanong mo ako kung kamusta na ako,
kung okay lang ba ako, kung saan ako papunta
o kaya kung saan ako galing,
dahil yan ang nagiging patunay na kabilang ako sa mundong ginagalawan mo,
yan yung mga pagkakataon na nararamdaman ko
na may puwang ako sa buhay mo, gaano man kaliit ang puwang na yun,
na hindi lang ako hangin na dumadaan sa paligid mo,
na hindi lamang ako isa sa milyung milyong patak ng ulan na dumadampi sa iyong balat,
na hindi lamang ako isa sa mga sinag ng araw na tumatama sa iyong pisngi.

Gusto kong nakakasabay kang kumain, nakakasama kang naglalakad
at sa tuwing nagkukwento ka ng mga pangarap at plano mo
sa buhay, lumulukso yung puso ko, lumulukso at natutuwa
na paunti-unti kitang nakikilala.
Nalalaman ko ang mga bagay na nagpapasaya sayo,
ang mga bagay na ayaw mo,
ang mga bagay na gusto mong maabot,
ang mga bagay na nagbibigay sa yo nang pagaalinlangan.

Gusto kong laging nakikita ang iyong ngiti sa tuwing
nag kakasalubong tayo o kaya ay nakikita mo ako,
yan ang bumubuo sa araw ko, ang pumapawi sa pagod
na aking nararamdaman, ang nagbubura sa mga linyang
nagpapakunot ng aking noo.
Gusto kong tumitingala sayo, dahil sa tuwing ginagawa
ko yun, para na rin akong nakatingala sa mga bituing
tutupad sa aking mga kahilingan.

Ikaw ang kamay na dahan-dahang bumunot sa aking mga ugat,
na nag-alis sa akin sa lupang kinatatamnan. Masaya akong
humimlay sa iyong mga palad, habang nararamdaman ko
ang init ng iyong balat at pag pintig ng iyong pulso.

Ngunit, ano mang halaman ang bunutin sa lupa
ay nalalantahan ng dahon, natutuyuan ng sanga,
napuputulan ng ugat.
Nalalanta, natutuyo, namamatay, itinatapon.

At sa aking pagkahulog at paglagapak sa lupa,
hindi lamang nabasag ang aking puso kundi maging
ang mga maliliit na pirapiraso ay nadurog. Hindi ko na alam
kung paano ako babangon, hindi ko alam kung paano ako muling magsisimula.
Hindi ko na alam kung paano kong pupulutin ang bubog ng aking puso
dahil ang sakit pala.

Ang sakit pala. Ang sakit pala na nakikita mo ako pero di mo ako
nakikita, na nag-uusap tayo pero hindi tayo nag-uusap,
na mag-kasama tayo pero hindi tayo mag-kasama.
Ang sakit palang umiyak habang kumakain
dahil alam ko na sa mga oras na yun kumakain ka
at hindi ako ang kasama mo,
ang sakit na naglalakad ako pauwi ng mag-isa at alam ko
na sa mga oras na yun, naglalakad ka rin at iba ang iyong kasama.

Anong nangyari? San ako nagkamali?
May nagawa ba akong masama?
Gusto kong itanong yan sayo. Gusto kong malaman,
gusto kong ayusin ang lahat sa atin. Ngunit papalayo ng papalayo ang
mundo nating dalawa.

Gusto kong kausapin mo ulit ako, na makasabay ka ulit na kumain,
na makasama kang maglakad, na makita ulit yung dating ngiti
na inilalaan mo sa akin, yung mga sulyap na ibinibigay mo sa akin.
Ako na lang ulit, ako na lang sana.
Sana, sana, sana.

Pero, kung hindi natin maaayos to,
kung hindi na natin maibabalik ang nakaraan, kung hanggang dito na lang tayo,
gusto kong malaman mo na mahal kita, na
mahal na mahal kita. At kung darating man ang oras, ang panahon
at ang pagkakataon na mamahalin mo ako tulad ng pagmamahal ko sayo,
na hindi tayo hahadlangan ng sitwasyon,
handa akong maghintay. Handa akong maghintay para sayo.

Ngunit kung yan ay pilit na ipagkakait ng tadhana, tatanggapin ko na lamang
ang katotohanan na kahit kailan hindi magiging tayo,
na kahit kailan walang tayo, meron lamang ikaw,
meron lamang ako.

Pagkatapos, ipipinid ko ang pintuan at isasara ang bintana ng aking
puso, ipipikit ang aking mga mata at tatakpan ang aking mga tenga para
hindi na kita marinig, para hindi na kita makita,
para hindi na kita maramdaman.

Maglalakbay ako sa kabila ng dilim patungo sa lugar
kung saan sa muling pagmulat ng aking mga mata,
isa ka na lamang hangin na dumadaan sa aking harapan, isa ka na lamang
sa milyung milyong patak ng ulan na dumadampi sa aking balat,
isa ka na lamang sa mga sinag ng araw na tumatama sa aking pisngi.

At darating ang araw na isa ka na lamang litratong nakaipit sa lumang libro,
maalikabok at hindi nabubuklat, darating ang araw na isa ka na lamang alaala, naibaon sa limot at di na binabalikan, darating ang araw na masasabi kong β€œIto na. Ito na talaga. Ito na talaga ang huling tulang iaalay ko para sayo.”

Tapos na. Wala na. Wala ng tayo, meron lamang ikaw at meron lamang ako.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s